-->

Paksiw

 

paksiw

Paksiw


Paksíw o pinaksíw ang isang lutuin upang magtagal nang kahit sanlinggo ang pagkain. Sa isda, pinakukuluan ito sa palayok na may sukà, luya, at siling habâ (siling pansigang).


Kahit anong isda, malaki’t maliit, ay puwedeng ipaksíw. Kung malaki, gaya ng tambakol at tanige o tanggingge, maaaring putol-putulin bago isilid sa palayok. Tatlong putol malimit ang bangus: may parteng buntot, may parteng ulo, at parteng gitna na gusto ng marami dahil may tiyang matabâ. Para mas pakinabangan ang paksíw na ayungin, payo ng tula ni Jose F. Lacaba ay huwag munang lantakan ang maliit na lamán ng isda:

 

Ganito ang pagkain


ng paksíw na ayungin:


bunutin ang palikpik


(para sa pusa iyan


at ang matirang tinik)


at ilapit sa labi


ang ulo, at sipsipin


ang mga matáng dilát;


pagkatapos ay mismong


ang ulo ang sipsipin


hanggang sa maubos


ang katas nitó.




Gayunman, kung umuulan, talagang napakasarap kumain ng paksíw, katerno ng ginisang munggo, at may sawsawang patis.


Sa Angono, espesyal na paksíw ang dinilawang kanduli. Pinapaksiw muna ang kanduli sa sukà, luya, at paminta. Ngunit hindi ito kinakain agad. Itinatago nang ilang araw para higit na lumasa. Kapag nakaupô na para kumain ang lahat ay sakâ iginigisa ang kanduli sa bawang, sibuyas, kamatis, talong, sitaw, at dahon ng alagaw. Kung sa bagay, “pinatatanda” din ang paksiw na letson para higit na lumambot at sumarap. 


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr

Pako

 

pako


Pako


Ang pakô, tagábas, elétso, o kaliskis-ahas (fern sa Ingles) ay isang klase ng halaman na may iba’t ibang kaurian. Nabubúhay ito sa tabi ng ilog at sapà. Ginagamit sa ngayon ang tagabas para sa pag-aayos ng mga bulaklak para sa kasalan at iba pang pagdiriwang. May isang uri ng tagabas na nakakain at kilala rin ito sa tawag na pakô na karaniwang ginagawang ensalada o talbos sa ginataang isda, suso o kuhol.


Kabilang ang pakô sa 12,000 species ng halaman sa ilalim ng grupong Pteridophyta. Kaiba sa lumot, mayroong xylem at phloem ang pakô. Mayroon itong mga dahon, katawan, at mga ugat. Nakapagpaparami ito sa pamamagitan ng mga spores dahil wala itong mga buto at bulaklak. Nakadepende ang búhay ng pakô sa mycorrhizal fungi. Maraming pakô ang inaalagaan para sa halamang pandekorasyon, bilang kasama ng ibang pinagputol-putol na sanga ng ibang halaman, at ang iba ay sadyang bilang halamang pambahay. 


Ang ibang species ng pakô ay ginagamit na panlinis sa mga lupang may kontaminasyon. Napatunayan na magaling na gamitin ang pakô upang alisin ang mga kemikal na tulad ng arseniko sa lupa. Maraming pananaliksik upang tuklasin pa ang kapasidad ng pakô na linisin ang mga polusyon galing sa mga kemikal sa hangin.


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr


Mungkahing Basahin:

1. Halamang-ugat

2. Halamang-buto

Pako Rabong

 

pako rabong


Pako Rabong

Isang sinauna’t katutubong anyo ng artistikong disenyo ng mga Maranaw ang pako rábong. Tumutukoy ang pakô, o piyako, sa marikit na motif sa ukit na kinopya ang salimbayan-pilipit na disenyo ng dahon ng nasabing halaman. Literal na kahulugan ang pako rabong ang “sumisibol o yumayabong na pakô.” Madalas na katulad ng disenyo nitó ang tila umiikid na usbong at kumikiwal na tangkay ng dahon ng pakô.

Madalas na ginagamit ang pako rabong sa mga bordadong damit at mga telang inilaladlad bilang palamuti sa loob ng bahay. Idinidesenyo rin ito sa mga ginto at pilak na alahas. Sa kulturang Maranaw, sinasabing kalalakihan ang madalas na umuukit ng pako rabong, dahil mga heometrikong disenyo ang nakamihasnang idinidisenyo ng kababaihan.

Pinagmulan: NCCA Official via Flickr

Pakimkim

 

pakimkim

Pakimkim


Tinatawag na pakimkím ang regalong salapi na ibinibigay ng ninong at ninang o ng sinumang bisita sa batàng bagong binyag o kayâ’y bagong kumpil. Sa ibang lugar sa Filipinas, kilala rin ito sa tawag na pakipkíp. Sa ibang mga probinsiya, tinatawag ding pakimkim ang regalong ibinibigay sa sanggol kapag unang beses na pumasok ang bata sa kahit kaninong bahay. Nagmula ang salitang pakimkim sa kimkim na nangangahulugang “pagkuyom sa palad.”


Ang pakimkim ay isang uri ng kontrol sa lipunang Filipino. Hinahangad ng mga nagbibigay ng pakimkim ang pagiging matipid at mahusay humawak sa pera ng batà. Pinaniniwalaan na kapag binigyan ng salapi ang sanggol, madadalian ang batà sa paghahanap ng pera kapag tumanda. Kapag bininyagan naman ang sanggol, maaaring isa sa mga ninong o ninang ang sumagot sa ibinibigay na abuloy sa simbahan at ikokonsidera pa rin itong pakimkim. Kapag nangyari ito, pagpapalain ang sanggol sa mga hihilingin niya mula sa nasabing simbahan. 


Sa ibang lipunang Filipino, inuunan ng batà ang nakuha niyang pera nang sa gayon ay maging matalino siyá sa paghawak ng pera at pinansiya paglaki. Sa kabilâng bandá, ang sinumang humawak at ginastos ang pakimkim na pera ay mamalasin. Kapag ginastos ang perang ibinigay sa sanggol sa iba pang gastusin na hindi naman makikinabang ang sanggol, mamalasin ang mga magulang ng batà at pati na ang sanggol. 


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr

Pakikisama

 

pakikisama

Pakikisama


Napakasaklap mapagsabihang “walang pakikisáma.” Parang napakasamâ mong tao. Ang pakikisáma, sa gayon, ay isang mabigat na hálagáhang moral at nagpapataw ng malaking tungkulin sa isang tao upang maging katanggap-tanggap sa kaniyang lipunan. Itinuturing itong halos kakambal ng pakikipagkapuwâ at nagiging batayang pamantayan sa pagpapakatao. Ang ibig sabihin, nasusúkat ang halaga o katangian ng isang tao alinsunod sa husay niyang makisáma—ang paggamit ng angkop na ugali, wika, at kilos upang maging mahusay na kapatid, kamag-anak, kaibigan, kapitbahay, kanayon, o kamag-aral, katrabaho, at kababayan. Sa pamantayan ng pakikisáma ay walang puwang ang pagiging indibidwalista at pagtatrabahong mag-isa, dahil maaaring mapagkamalang “mayabang,” “suplado,” o “sirâ ang ulo.”


Dahil sa unlaping “ka-“ sa mga pinakikisamáhan, sinasabing ang hálagáhang ito ay nakaugat sa wastong paggálang sa kapuwâ o sa pagtuturing sa ibang tao na kapantay at bahagi ng sarili. Sa gayon, hindi dapat sumalungat ang lunggati at pangarap ng tao sa karapatan at kalayaan ng kapuwâ. Sa halip, nakadaramá lámang siyá ng dalisay na kaligayahan at tagumpay kapag naibabahagi niya ito at nagiging kaligayahan at tagumpay din ng iba.


Ngunit isang magandang halimbawa ang pakikisáma hinggil sa wastong pagtimbang sa tradisyonal na hálagáhan. Hindi ito absoluto. Manapa, nalalakipan lagi ng pasubali at hanggahan. Kayâ ang bulág na pagsunod ay kapahamakan. Higit na kailangan ang maingat na pagtimbang sa sitwasyon at sa paggamit ng nararapat na hálagáhan o ng angkop na pagpapahalaga sa isang hálagáhang panlipunan. Wika ng isang salawikain: “Ang pagsasabi nang tapat/Ay pagsasámang maluwat.” Isang paliwanag ito sa halaga ng katapatan lalo na sa kaibigan. Ngunit payo din ng isa pang tula: “Sa bulag ka magtiwala;/ Mag-ingat din sa may dila.” Tinutukoy naman nitó ang kahinaan ng maraming tao, lalo na ang hinggil sa pag-iingat ng personal na lihim. Ang ibig sabihin, kailangang maging napakaingat din sa pagpilì ng kaibigan. Maraming nagaganap na krimen dahil sa hindi wastong pakikisáma. Nagiging sanhi din ito ng nepotismo at pandaraya. May “marunong makisáma” na ginagamit ito para sa pansariling interes at pakinabang. 


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr

Pakbet

 

pakbet

Pakbet


Tinatawag kung minsan ang Kailukuhan na “bayan ng pinakbet.” Dahil tiyak na lutuing Ilokano ang pakbét o pinakbét, isang lutuing gulay na katulad ng bulanglang bagaman may tatak ng saluyot, malunggay, at katuray, at ng timplang bagoong.


Ngunit ang pakbét ay sari-sari na sang-ayon sa hilig kahit ng mga Ilokano. Isang dayuhan sa Laoag ang nag-ulat sa mga sumusunod na sahog: mga muràng talong, mga muràng ampalaya, bulaklak ng kalabasa, katuray, okra, luya, kamatis, mga piraso ng bagnet, at bagoong monamon. Unang inihalayhay sa pusod ng mataas na palayok ang bagnet, kamatis, at luya. Pagkaraan, ipinatong ang mga gulay. Sakâ binuhusan ng kalahating boteng bagoong, tinakpan ang palayok, at nilakasan ang init ng apoy sa loob ng 10 minuto. Napansin din niyang naglabas ng alak na duhat sa hapunang insarabásab (inihaw na liyempo) at pakbét. Klas!


Gayunman, mahalaga ang kaniyang payo na huwag hahaluin ang gulay hábang niluluto. Sa halip, dalawang beses inaalog ang palayok para magkasundo ang mga sahog sa loob. Kailangan diumanong hindi “masira” ang lasa ng gulay at huwag sumobra ang luto. Kung bagá sa Italyano, nais ng mga Ilokano ang kanilang pakbét al dente. 


Pinagmulan: NCCA Official via Flickr

Sino si Leonor Rivera?

 

leonor rivera

Sino si Leonor Rivera?


Ipinanganak si Leonor Rivera noong 11 Abril 1867 sa Cailing, Tarlac. Nakilala siya sa pagiging matapat na kasintahan ni Jose Rizal sa loob ng labing-isang taon. Sinasabi rin na siya ang naging inspirasyon ni Rizal sa tauhang si Maria Clara sa kanyang nobelang Noli Me Tangere.


Pinagmulan: nhcpofficial


Larawan: Leonor Rivera sa edad na 13 via NHCPOfficial