Isa sa kinikilalang makapangyarihang pinunong Muslim at matapang na mandirigma si Datu Uto
(ú·to) (sirka 1860-1888).

Anak siya ni Sultan “Bangon” Marajanun ng Buayan at Tuan Bai Sa Buayan, na kapatid na babae ni Sultan “Untung” Quadratullah ng Magindanaw.

Sa pamamagitan ng kasal ng kaniyang magulang ay napag-isa ang dalawang kahariang Magindanaw, ang Sa-ilud (luwasang kapatagan) at ang Sa-Raya (hulòng kapatagan) ng Ilog Pulangi.

Ang buong pangalan niya ay Sultan Anwarud-din Uto at napabantog nang pamunuan niya ang pag-aalsa noong mga taong 1860 na naging sagabal sa absolutong pananakop ng mga Espanyol.

Mahalagang tingnan ang buhay ng tulad ni Uto, ani Reynaldo C. Ileto (1971), bilang pagsisikap buuin ang sultanatong Magindanaw pagkaraan ng pamumuno ni Sultan Kudarat, hatiin ito ng mga away at ng panggugulo ng mga Espanyol.

Una siyang nasubok sa nabigong rebelyon ni Datu Maghuda noong 1861 at dito siya nawalan ng isang mata. Nagsimula ang lahat noong 30 Abril 1861 at nagtirik ng bandilang Espanyol sa kuta ng sultan ng Cotabato.

Nag-alsa ang isang puwersa sa ilalim ni Datu Maghuda at noong 1 Nobyembre 1861 ay hinarap ng isang pangkat ng Espanyol. Tinawag din itong Masaker sa Pagalungan, dahil umaabot sa 200 ang namatay.

Nabigo man ang rebelyon, sinundan pa ito ng ibang pag-aalsa. Noong 1864, kasama siya sa mga ayudanteng hiningi ng mga Espanyol sa kaniyang ama upang salakayin ang mga rebeldeng Talayan. Ngunit nang magkaroon ng engkuwentro, bumaligtad sina Datu Uto, kumampi sa mga Talayan, at natalo ang mga Espanyol.

Sinundan pa ito ng mga labanan para mapaalis ang mga Espanyol. Namatay noong 1872 ang kaniyang ama. Pumalit na pinuno ang kaniyang amain, ngunit si Datu Uto ang tunay na naghahawak ng kapangyarihan.

Pinakasalan niya si Pajah Putri, anak ni Sultan Qudarat II. Gumawa rin siya ng alyansa sa ibang mga pinuno at pinangasiwaan ang mga kalakalan sa paligid.

Noong karurukan ng kaniyang lakas, sinasabing may 4,000-5,000 alipin siya at malaking bilang ng armas. Pinagtuonan siya ng kampanya ng mga Espanyol. Noong Pebrero 1886, sa utos ng gobernador ng Mindanao na si Julio Serena ay winasak ang matandang tahanan ni Datu Uto sa Bakat.

Sinundan ito ng mga madugong labanan. Noong 28 Marso, sumuko ang kampo ni Datu Uto. Hindi pinakinggan ang kaniyang mga petisyon. Hinarang ang kaniyang mga ruta ng kalakalan. Sa wakas, at sa upat ng mga Espanyol, isa-isang nawala ang mga kapanalig ni Datu Uto. Naglaho siya noong 1888 at hindi na narinig.

Pinagmulan: Kermit Agbas

Mungkahing Basahin: