Kinikilala si Gabriel “Flash” Elorde (gab·ri·yél flash e·lór·de) (25 Marso 1935 – 2 Enero 1985) bilang isa sa pinakamatatagumpay na boksingero sa Asya-Pasipiko at pinakamahusay na boksingerong Filipino ng kaniyang panahon. Nagsimulang maging boksingero ni Elorde dahil sa pagtuturo sa kaniya nito ng kaibigan niyang dati ring boksingero na si Lucio Laborte.

Una niyang karangalan ang panalo niya laban kay “Kid” Gonzaga noong 1951. Naipanalo niya ito sa ikaapat na duwelo sa desisyong technical knock-out.

Naging propesyonal na boksingero si Elorde sa murang edad na 16 at pinagwagian niya ang sampu sa 11 laban sa kaniyang probinsiyang Cebu mula 1952-1967.

Noong 1953, nakuha niya ang mga kampeonatong national bantamweight sa Maynila at kampeonatong oriental bantamweight sa Tokyo sa laban niya kay Hiroshi Horiguchi.

Sumunod,natalo  niya si Tommy Romulo at napanalunan ang koronang junior lightweight ng Filipinas. Naungusan din niya sa puntos sa loob ng sampung duwelo sa labang walang titulo ang featherweight king na si Sandy Saddler.

Bagama’t walang nadagdag na titulo kay Elorde sa loob ng mahabàng panahong kasunod, itinuring pa rin siyang malakas na kalaban sa mga pambansa at panrehiyong kampeonato sa kategoryang lightweight.

Noong Marso 1960, muli siyang nagwagi at nakuha niya ang kampeonatong world junior lightweight mula kay Harold Gomes matapos ang labanang tumagal nang pitong duwelo na ginanap sa Maynila.

Sa loob ng walong taong paghahari sa nabanggit na titulo, sampung laban pa ang kaniyang napagwagian kasama na rito ang dalawang ulit na pagkapanalo at pagkaagaw kay Carloz Ortiz ng lightweight belt sa 14 duwelong laban.

Nagretiro si Elorde noong 1974 na may rekord na 87 panalo (33 Kos), 27 talo, 2 tabla at pagkilalang “pinakamahusay na boksingerong kampeon sa world junior lightweight sa kasaysayan ng WBC.”

Pagkatapos ng kaniyang pagreretiro,nanatili pa rin siyang idolo ng mga Filipino at popular na endorser sa mga komersiyal ng San Miguel Beer kasama ang komedyanteng si Bert Marcelo at mang-aawit na si Rico J. Puno.

Si Elorde ang nagpatanyag ng linyang “isang Gabriel “Flash” Elorde platitong mani.

Tubong Bogo, Cebu si Elorde. Ipinanganak siya sa isang mahirap na pamilya. Ikatlong baitang  lamang sa elementarya ang naabot niyang edukasyon. Naging tagapulot siya ng mga bola sa bolingan at nagtrabaho sa konstruksiyon sa murang edad pa lamang. Namatay si Elorde sa sakit sa baga.

Pinagmulan: Kermit Agbas

Mungkahing Basahin: