Pinakamahaba at pinakamalaking ilog sa Filipinas ang Ilog Cagayan (Í·log Ka·ga·yán) at matatagpuan sa rehiyon ng Lambak Cagayan sa hilagang-silangan ng Luzon.

Dumadaan ito sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, at Cagayan. Tinatawag din itong Rio Grande de Cagayan. Ang pangunahing daloy nito’y nása Kabundukang Caraballo sa taas na 1,524 metro at dumadaloy pahilaga nang 505 kilometro patungo sa bunganga nito sa Lagusang Babuyan malapit sa Aparri, Cagayan.

Mga pangunahing sanga nito ang mga ilog Chico, Siffu, Mallig, Magat, at Ilagan.

May malawak na pook tambakang-tubig ito na 27,300 kilometro sa mga lalawigan ng Apayao, Aurora, Cagayan, Ifugao, Isabela, Kalinga, Mountain Province, Nueva Vizcaya, at Quirino.

Dinadaluyan ito ng humigit-kumulang sa 53,943 milyong metro kubiko santaon at may reserbang tubig sa ilalim ng lupa na 47,895 milyong metro kubiko. Ang pagbaha ng Ilog Cagayan at mga sanga nito kung tag-ulan ay nagdudulot ng malaking pinsala sa buhay at ari-arian sa mga bayan sa paligid.

Kumakalinga ito ng ilang katutubo’t nanganganib na ispesi, lalo na ang isdang tinatawag na ludong (Cestreaus plicanlis). Nagpaparami ang ludong sa kaitaasan ng Ilog Cagayan sa Jones, Isabela. Sa pagtatapos ng Oktubre hanggang kalagitnaan ng Nobyembre, lumalangoy pababa ng ilog ang ludong para pawalan ang mga itlog sa bunganga ng ilog malapit sa Aparri. Sa Pebrero, ang mga munting ludong ay nilalambat hábang lumalangoy paakyat ng ilog.

Pinatataba ng ilog ang lupain sa Lambak Cagayan na sagana sa mga pananim na gaya ng palay, mais, saging, niyog, sitrus, at tabako. Sinasabing ang pangalan ng pangkating Ibanag ay mula sa Bannag-ang sinaunang pangalan ng Ilog Cagayan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: