Ang Ilog Pulangui (o Pulangi) ang pinakamahabang ilog sa lalawigan ng Bukidnon sa Hilagang Mindanao.

Isa ito sa pangunahing sangay ng Rio Grande de Mindanao (Ilog Mindanao), na siyang pinakamalaking ilog sa isla ng Mindanao at ikalawang pinakamalaking sistemang ilog sa buong Filipinas, pagkatapos ng Ilog Cagayan sa Luzon.

May haba itong 320 km at nagsisimula sa bayan ng Impasug-ong sa Bukidnon, sa timog ng Lungsod Gingoog sa Misamis Oriental. Ang hulong ito ang nagsisilbi ring simula ng Rio Grande de Mindanao. Umaagos ito patimog sa kalakhan ng Talampas ng Bukidnon at dumaraan sa karamihan ng mga bayan ng lalawigan.

Bílang Ilog Mindanao, lumalawak ito sa mga kapatagan ng Cotabato bago bumuhos sa Look Illana sa Lungsod Cotabato. Ilan sa mga sangay nito ang Bobonawan, Manupali, at Muleta.

Matatagpuan sa Ilog Pulangui ang Dikeng Pulangi, na kilala rin bílang Pulangi IV Hydroelectric Plant. Ang artipisyal na lawang naiipon ng dike ay tinatawag na ”Lawang Pulangi” o ”Maramag Basin” at ginagamit bílang irigasyon, maiinom na tubig, at upang makalikha ng koryente.

Sangkapat ng pangangailangan ng buong Mindanao sa koryente ang tinutustusan ng Dikeng Pulangi. Sa lawak na 1.8 milyong ektarya, ang river basin ng Dikeng Pulangi ang ikalawang pinakamalaki sa buong bansa.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: