Ang kalatsutsi (Plumeria acuminata Air.) ay isang puno na 3-7 metro ang taas.

Ang itsura ng mga sanga ng kalatsutsi ay liku-liko, makapal, at may mga makinis at makintab na tangkay. Sa mga tangkay nito namumuo ang kumpol-kumpol na mga putî at mabangong bulaklak. Ang dahon nito ay biluhaba, kulay berde, parehong matulis ang mga dulo, at nakaayos nang paikot sa mga dulo ng sanga. Ang mga sanga din nito ay nagtataglay ng madikit at kulay putîng dagta.

Ang bulaklak ng kalatsutsi ay malaki na may habang 5-6 sentimetro. Kulay puti o lila ang labas nito at mapusyaw na dilaw naman ang loob. Kumpol-kumpol kung mamulaklak ang kalatsutsi at ito ay nangyayari kung nanlalagas na ang mga dahon.

Ang kalatsutsi ay pinayayabong sa Filipinas dahil ito ay ginagamit na pandekorasyon sa mga hardin o sa mga okasyon na nangangailangan ng mga putîng bulaklak.

Sa panahon ng Mayo, nangunguha ang mga bata ng mga bulaklak nito upang ialay sa simbahan. Sinasabi din na ang kalatsutsi ang pinanggagalingan ng pabango na kilalang “Frangipani.”

Sa kultura ng mga Filipino, ang kalatsutsi din ang bulaklak na iniaalay sa mga patay. Ang kalatsutsi ay dinala ng mga Espanyol galing sa Mexico.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: