On
Isang tuwid at mataas na halaman ang kamoteng-kahoy (Manihot esculenta Crantz sa pamilyang Europhorbiaceae), umaabot sa tatlong metro ang taas, bahagyang kahoy ang puno, may dahong 10-20 sentimetro ang haba at nahahati sa 3-7 maninipis na bahagi, at namumulaklak.

Popular na tinatawag din itong kasaba (cassava) at balinghoy at inuring tapioca plant sa Ingles.

Inaalagaan ito dahil sa malaki at malamang bungang-ugat at nagdudulot ng gawgaw (starch). Alternatibong pangunahing pagkaing may carbohydrates sa maraming lugar sa Asia, Afrika, at Timog Amerika ang kamoteng-kahoy.

Ipinagbibili ito sa anyong arina. May cassava chips na rin ngayon na pangmeryenda. May ulat noong 2002 na umaabot sa 184 tonelada ang produksiyong pandaigdig ng kamoteng-kahoy.

Maraming ilahas na varayti nito hanggang ngayon sa kagubatan ng Timog Amerika. Ang unang pinatubo sa Filipinas ay mula sa Mexico at dinala dito sa panahon ng kolonyalismong Espanyol.

Madalîng patubuin ang kamoteng-kahoy. Hindi nito kailangan ang matabang lupa o pataba at tumutubo kahit nakabilad sa init. Mahigpit na ipinagbibilin ang paghuhugas mabuti sa bungang-ugat upang maalis ang nakalalason nitong katas sa balat. Hugasan muli matapos mabalatan.

Sa mga nayon ng Filipinas, karaniwang inilalaga ang bungang-ugat o ginagayat at ipiniprito.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: