Isang mataas na punongkahoy ang kapok (Ceiba pentandra Linn.) at tinatawag ding bulak, buboy, at balyos sa Katagalugan, daldol sa Bisaya, kulak sa Iluko.

White silk cotton tree ang tawag sa Ingles.

Tumataas ito ng 150 talampakan at tila tore sa piling ng ibang mga punongkahoy sa kagubatan. Ang tuwid na puno ay silindriko, makinis, abuhin ang kulay, at umaabot sa siyam na talampakan ang diyametro. May malalaking tinik ito upang protektahan ang puno sa anumang pinsala at may mga plangkang nagsisilbing tukod sa punongkahoy.

Ang mga sanga ay anda-andanang lumalabay nang orisontal. May bulaklak itong naglalaro ang kulay sa putî at pink na sinusulputan ng bungang tila kaluban (pod) at kulay lungtian. Nása loob ng kaluban ang mga butong may malambot na balahibo, tila cotton, at karaniwang ginagamit na palaman sa unan o kutson.

Ang kapok ay mahalaga sa sistemang ekolohiko ng kagubatan. Tahanan ito ng maraming kulisap, ibon, at hayop. Ito ay drought deciduous, ibig sabihin, nanlalagas ang mga dahon kapag tag-init. Pagkatapos manlagas ang dahon, bumubukas ang mga kalubang bunga nito at nagpapawala ng tila lumilipad na mga piraso ng bulak sa himpapawid.

Ang puno ng kapok ay ginagawa noong bangka at mainam na tabla. Ang buto ay ginagamit sa manupaktura ng sabon.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: