On
Ang kuratsa (Ranina ranina) ay nabibilang sa pamilya Raninidae na makikita sa buong rehiyon ng Indo-Pasipiko.

Ang pangalan nito ay mula sa Espanyol na cucaracha para sa ipis at marahil ibinatay sa itsura nito.

Natatangi at kapansin-pansin ang sipit sa harapan ng kuratsa at ang mahaba at halos hugis kopitang talukab nito na kulay makináng na kahel o pula. May hanay sa talukap nitó na puting batik at tinatakpan ito ng bilugang tinik.

Kadalasang may lapad itong 8.5 sentimetro at may bigat na 400 gramo. Maaari ring lumaki ito hanggang 15 sentimetro at bumigat ng 900 gramo.

Kapag lumalangoy, nagkakandirit ang isang kuratsa na mistulang palaka. Karaniwang nangingitlog ito sa pagitan ng buwan ng Oktubre at Pebrero at maaaring manganak ang isang malaking babae ng dalawang beses sa tuwing kapanahunan.

Ang karaniwang bilang ng itlog ay 120,000 bawat kapanahunan. Maaari nang magparami ang isang babaeng kuratsa sa edad na dalawang taon.

Popular ngunit espesyal na pagkain sa Zamboanga ang kuratsa, ngunit malawakang hinuhúli din ang lamang-dagat na ito sa Hawaii, Japan, Seychelles, at sa silangang baybayin ng Australia.

Matatagpuan ang mga kurátsa sa layòng 100 metro mula sa baybayin at lalim na 10 hanggang 70 metro. Maaaring mahuli ang mga ito sa pamamagitan ng bitag na may pain at gawa sa magkakabuhol na lambat na nakabitin sa isang patag na kuwadro.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: