On
Ang lapulapu ay isda na kabilang sa pamilya Serranidae. Makikita ito sa dagat Indo-Pasipiko, timog Aprika, timog at hilagang Australia.

Maraming uri ng lapulapu at ang pinakamarami ang nasa grupo ng Epinephelus. Itinuturing itong pinakamalaking isda na makikita sa tangrib. Pagdating sa tamang edad, nagpapalit ng kasarian ang halos lahat ng lapulapu, maliban sa Nassau o Epinephelus striatus. Mas madalas, may mga babaeng lapulapu na nagiging lalaki sa pagsapit ng tamang edad.

May tatlong tinik ang talukap ng hasang ng isang lapulapu. May 7-12 tinik ang palikpik nitó sa likod at kadalasang bilugan o hugis buwan ang buntot. Nakalabas ang panga ng isang lapulapu kahit sarado ang bibig.

May mga lapulapu rin na kulay mapusyaw na malaberdeng abo o kayumanggi at may bilog at matingkad na batik ang katawan at ulo. May mga batik din sa palikpik ng likod, buntot at puwit, at may makikitang linya sa katawan ng mga ito.

Kadalasan ding naglalagi ang lapulapu sa ilalim ng tubig at doon kumakain ng mga isda, banagan, maliliit na pating, at batang pawikan. Ang pinakamalaking naitalâ ay umabot ng tatlong metro at may bigat na 400 kilo. Maaaring may lason na kung tawagin ay ciguatera ang ibang malalaking uri kayâ dapat mag-ingat sa pagkain nitó.

Karaniwang hinuhuli ang isdang ito sa pamamagitan ng kawil na ginagamitan ng buhay na pain. Buhay na ibinebenta ang lapulapu sa mga restoran. Tulad ng iba pang lamang-dagat, nanganganib maubos ang lapulapu dahil sa mabagal nitong paglaki, at sa paghuli ng mga lapulapung mangingitlog. Maituturing na halos kalahati ng 101 uri ng lapulapu ang nanganganib na maubos.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: