On
Ang baboy ay hayop na unggulado (may hoof o makapal na kukong may biyak sa gitna) sa pamilyang Suidae at species na Sus.

May mahaba itong nguso bilang ilong, maikling buntot, maiikling apat na paa, matabang dibdib, at magaspang na balahibo sa katawan.

Tinatawag na barako o bulugan ang lalaking baboy na maaaring bumulog o bumuntis. Tinatawag namang inahin ang babaeng baboy na nanganak na.

Samantala, biik, kulig, o bulaw ang tawag sa mga sumususo pang anak. Naglalarawan ang bulaw sa mamula-mula o malagintong kulay ng biĆ­k.

May reputasyon ang baboy na matakaw at marumi. Kaya may gayong kahulugan ang pangalang “baboy” at maging ang pig o swine sa Ingles at cerdo sa Espanyol.

Kinakain nito ang halos kahit ano at naglulublob sa putikan. Tradisyonal na hindi ito kinakain ng mga Hudyo at Muslim. Totoo namang nakapagdadala ito ng mga sakit at parasito na maaaring maipasa sa tao, gaya ng trichinosis, cysticercosis, at brucellosis. Sa gayon, kailangang iluto ito nang husto bago kainin.

Noong Abril 2009, ipinapatay ang lahat ng baboy sa Ehipto dahil sa swine flu na kumalat sa mundo. Bagaman ipinahayag ng mga opisyal pangkalusugan na walang kaugnayan ang mga baboy sa pagsasalin ng peste, anim na bansa ang nagbawal sa importasyon ng pork o karneng baboy mula sa Estados Unidos at Mexico.

Inaalagaan ang baboy lima o pitong dantaon na nakararaan bilang pagkain at dahil sa balat na ginagawang katad.

Sa Hinduismo, nag-anyong bulugan ang diyos na siVishnu upang iligtas ang mundo sa isang demonyo. Sa Katolisismo, konektado ang baboy kay San Antonio.

Isa ang baboy sa siklo ng mga hayop sa 12-taong kalendaryong Tsino. Ipinagmamalaki ng Filipinas ang letson (lechon sa Espanyol) bilang espesyal na handa sa mga pagdiriwang, bagaman may ordinaryong letsong kawali, adobo, kaldereta, at iba pang luto sa karneng baboy.

Ang tinatawag na “native” o katutubong baboy ay napakaliit kapag ikinompara sa Landrace at iba pang lahi na maramihang inaalagaan para sa pandaigdigang kunsomo.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin:
1. Kabkab
2. Bakulaw