Sa paniniwala ng mga Ilonggo, isang uri ng aswang ang bagat, bagaman may mga nagsasabing magkaiba ang dalawa.

Pinaniniwalaang nagpapanggap ang bagat bilang isang napakalaking aso o domestikadong hayop at karaniwang pagala-gala sa mga liblib na daan o lugar.

Tinatawag na baragatan ang mga lugar na itinuturing na pinaglalagian ng isang bagat.

Sa iba pang mga salaysay ng mga Ilonggo, ang isang bagat ay maaaring alaga ng isa pang mas malakas na sobrenatural na nilalang.

Nanlilisik ang malalaking mata ng isang bagat at gumagawa ng ingay o tunog na masasabing mula sa isang malaking nilalang o mula sa pagaspas ng kaniyang mga pakpak kapag nasa tunay na anyo.

Karaniwan siyang nagpapakita kapag kabilugan ng buwan o sobrang madilim at umambon sa panimula ng gabi. Sinasabing hindi naman umaatake ang bagat maliban kung sinaktan.

Kapag umatake, ang panlaban sa bagat ay isang latigo na gawa sa buntot ng page. Maaari namang gamiting panlaban sa bagat ang itak ngunit mahirap itong gamitin kapag napakadilim.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: