Ang banga ay sisidlan na yari sa luad at karaniwang ginagamit bilang sisidlan ng tubig. Karaniwang katulad ito ng tapayan, bagaman higit na malaking sisidlan ang ikalawa.

Ang banga at ang tapayan ay ginagamit ding sisidlan ng iba pang bagay, gaya ng alak o alamang. Gamitin ang banga at tapayan hanggang sa kasalukuyan sa halos lahat ng bahagi ng bansa.

Halimbawa, sa bahaging hilaga ng Luzon, iba’t iba ang hugis at gamit ng mga banga. Ang bornay sa Ilocos ay may katawang malaki at matambok at bungangang makipot.

Ang boyog naman na ginagamit sa Pangasinan, La Union, at Ilocos ay halos silindriko ang hugis, palapad ang ibabang bahagi mula sa bunganga.

Gorgorita naman ang tawag sa bangang maliit na may mabilog na katawan at mahabang leeg. Mas malaking bersiyon nito ang pasig-pasig na ang karaniwang inilalagay naman ay bagoong o alamang.

Ang banga ay tinatawag na buyog sa Pangasinan, dulay sa Bikol, at tibod sa Hiligaynon at Waray.

Hindi lahat ng sisidlan ng tubig sa bansa ay yari sa luad. Halimbawa, ang soboy ng mga T’boli (Rehiyon 12) ay yari sa pinatigas na balat ng upo. Ang kararao na karaniwang ginagamit ng mga MĂ«ranaw sa paghuhugas ng kamay bago at matapos kumain ay yari sa tanso.

Marami mang gamit ngayon ang banga at tapayan. Noong araw, ang isang mahalagang silbi ng tapayan ay bilang pangalawang sisidlan ng mga buto ng katawan ng mga yumaong sinaunang Filipino.

Natagpuan sa Palawan ang tinatawag natin ngayong Tapayang Manunggul. Natagpuan naman sa Saranggani ang mga sinaunang Tapayang Maitum.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Kaugnay na artikulo: