Tinatawag na bangungot ang pagkamatay ng sinuman habang natutulog.

Ang salita ay nagmula diumano sa “bangon” at “ungol” samantalang may ilan na nagsasabing ang bangungot ay tawag sa isang masamang panaginip. Sa wikang Ingles, tinatawag itong sudden unusual nocturnal death (SUND).

Hanggang sa nakalipas na mga taon, naging isang hiwaga sa larang ng medisina kung paanong nangyayari ang bangungot at ano ang sanhi nito. Sa mga pag-aaral na medikal ay natagpuan na ang bangungot ay sanhi ng pumutok na lapay ng tao.

Pinaniniwalaan na ang mga lalaki ang kadalasang binabangungot. Iniuugnay rin ang bangungot sa mga taong agad natutulog matapos kumain nang marami o kaya’y mga lalaki na nakainom nang marami.

Sa mga Ilokano, pinaniniwalaan na ang espiritung si Batibat ang sanhi ng bangungot. Namamatay ang lalaki kapag inupuan siya ni Batibat malapit sa haliging gawa sa punongkahoy na tirahan ng espiritu. Matabang babae si Batibat na hinihigop ang kaluluwa ng lalaki kapag napatay na niya ito.

Sa mga taong nakaranas ng bangungot, alam nilang gising sila ngunit hindi sila makakilos kahit anong nais nilang gawin. May ilan na nananaginip na nahuhulog sila sa bĂștas na walang katapusan.

Sinasabi naman ng ilang nakasaksi sa mga nabangungot ang pag-ungol ng binabangungot. Upang hindi tuluyang mabangungot ang tao, kinakailangan siyang gisingin sa pamamagitan ng pagkurot ng mga daliri niya sa paa. Hindi dapat painumin ng tubig ang binangungot.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: