Ang Bulubunduking Caraballo (Ka·ra·bál·yo) ang isa sa pangunahing kabundukan sa Filipinas. Matatagpuan sa gitnang bahagi ng Luzon, umaabot sa mahigit-kumulang 1600 metro ang taas nito.

Dito nagkikita ang mga Bulubunduking Cordillera at Bulubunduking Sierra Madre sa mga lalawigan ng Nueva Ecija at Nueva Vizcaya. Ibinubukod nito ang Lambak Cagayan mula sa Kapatagang Gitnang Luzon.

Sa Caraballo nagsisimula ang Ilog Cagayan, ang pinakamahaba at pinakamalaking ilog sa Filipinas na nagsisilbing ilog ng buhay para sa buong Rehiyong Cagayan (Rehiyon II).

Natatakpan ng kagubatan ang kabundukang ito at hindi pa gaanong napapasok ng kabihasnan. Itinuturing itong tahanan ng pangkat etnolingguwistiko na mga Ilongot.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr