Filipinas ang unang pangalang ibinigay sa sa ating republika. Ang pangalang ito ay ibinigay ni Ruy Lopez de Villalobos, isang Espanyol na manlalakbay, nang marating niya ang mga pulo ng Samar at Leyte noong 1542 bilang parangal sa noo’y prinsipe ng Espanya at kalaunan ay naging Haring Felipe II.

Nanatili ang pangalang ito hanggang sa Republikang Malolos. Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, ang Filipinas ay tinawag nilang “Philippines.” Dahil sa abakadang walang F, ang Filipinas ay isinulat na “Pilipinas” nitong ika-20 siglo.

Ang buong kapuluan ay binubuo ng mahigit 7,100 isla. May 966 kilometro ang layo nito sa timugang baybayin ng lupalop ng Asia, mataas nang bahagya sa ekwador, sa pagitan ng 40°23’ at 21°25’ hilagang latitud at ng 116° at 127° silangang longhitud.

Dagat Timog Tsina ang hanggahan nito sa kanluran, Karagatang Pasipiko sa silangan, Dagat Sulu at Celebes sa timog, at Kipot ng Bashi sa hilaga. Humigit-kumulang sa 300,000 kilometro kuwadrado ang kabuuang saklaw ng lupain nito na ang mahigit 93 porsiyento ay nasa 11 malalaking pulo.

Sa 7,100 pulo, 2,773 lamang ang may pangalan at 1,192 lamang ang may naninirahan. Ang mga pangunahing pulo ay pinangkat sa Luzon, Visayas, at Mindanao. Itinuturing na pinakamahaba sa daigdig ang magkakasanib na sukat ng mga baybayin nito na umaabot sa 34,600 kilometro.

Ang kabuuang sukat ng lupaing saklaw ng bansa ay kapantay ng Italya, malaki nang kaunti sa Gran Bretanya, at maliit nang bahagya sa Hapon.

Napailalim ito sa kapangyarihang kolonyal ng tatlong bansa, ang Espanya (1521-1898), ang Estados Unidos ng Amerika (1898-1935), at ang Japan (1941-1945).

Ang relihiyong Katoliko, na dala ng mga Espanyol, ang relihiyon ng mayorya ng populasyon kaya tinagurian ito bilang nag-iisang Katolikong bansa sa buong timog-silangang Asia.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: