Itinuturing si Francisco “Balagtas” Baltazar (Fran·sís·ko Ba·lag·tás Bal·ta·zár) na “Prinsipe ng Makatang Tagalog” dahil sa kaniyang obra maestra na Florante at Laura.

Itinuturing din siyang pasimuno ng mga pagbabago sa panitikan sa loob ng pananakop ng mga Espanyol.

Hinangaan nina Rizal at Bonifacio ang halimbawa ni Balagtas ng mahusay at makinis na pagtula sa Florante at Laura. Hinangaan din nila at ng iba pang mga makata sa ika-20 siglo ang mga mapanghimagsik na ideang pampolitika at panlipunan ni Balagtas.

Ngunit marami pang ibang nasulat si Balagtas na awit at komedya. Nakalulungkot na nasunog ang mga ito nang masunog ang kaniyang bahay sa Bataan.

Isang natira ang saynete na La india elegante y el negrito amante, na tumatalakay sa komikong paraan sa pagkakapantay ng tao anuman ang lahi.

Natagpuan naman kamakailan ang manuskrito ng komedyang Orosman at Zafira na nagpapatunay sa husay niya bilang mandudula at sa kaniyang mataas na paninging pampolitika.

Ipinanganak siya noong 2 Abril 1788 sa Panginay, Bigaa (ngayo’y Balagtas), Bulacan sa mag-asawang Juan Balagtas at Juana Cruz.

Noong bata pa siya, ipinadala siya ng kaniyang ina sa isang malayong kamag-anak sa Tundo, Maynila, na siyang nagpaaral sa kaniya kapalit ng paninilbihan sa bahay.

Nag-aral siya sa Colegio de San Jose at sa Colegio de San Juan de Letran. Ayon sa ulat, nakalista siyang estudyante sa Colegio de San Jose ngunit sa pangalang “Francisco Baltazar”. Ito rin ang pangalan niya sa dokumento ng kasal kay Juana Tiambeng noong 22 Hulyo 1842. Walang tiyak na paliwanag sa pagbabago ng kaniyang apelyido.

Noong 1835, umibig siya kay Maria Asuncion Rivera, anak ng mayamang angkan sa Pandacan. Si Rivera ang pinag-alayan ni Balagtas ng tulang “Kay Celia,” ang pambungad na tula ng Florante at Laura.

Gayunman, hindi sila nagkatuluyan ng dalaga. Sa Pandacan, nakulong siya sa isang dimalinaw na dahilan. Lumaya siya noong 1838, taon na sinasabing unang inilathala ang Florante at Laura.

Lumipat si Baltazar sa Udyong (ngayo’y Orion), Bataan, at doon pinakasalan si Juana Tiambeng, anak ng isang mayamang pamilya. Nagkaroon sila ng 11 supling.

Muli na naman siyang nakulong noong 1856 kaugnay ng reklamo ng isang katulong na diumano’y ginupitan niya ng buhok sa di-malamang dahilan.

Naghirap ang pamilya ni Balagtas dahil sa kasong ito. Pinagdusahan niya ang kaniyang sentensiya sa Balanga, Bataan, at nang sumunod, sa Tundo, Maynila.

Habang nasa Tundo, mula 1857 hanggang 1860, nagsulat siya ng maraming komedya para sa Teatro de Tundo. Nang makalaya, bumalik siya sa Udyong at dito niya naisulat ang marami pang tula at komedya hanggang sa mamatay siya noong 20 Pebrero 1862.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Bashin: