On
Ang galunggong ay nabibilang sa pamilya Carangidae at ang pinakamaraming uri ay nasa grupo ng Decapterus.

Matatagpuan ang isdang ito sa kanluran ng Indo-Pasipiko at sa silangang bahagi ng Pasipiko at Aprika. Nagsasama-samang nananahan malapit sa ilalim ng dagat ang mga galunggong at nanginginain ang mga ito sa ibabaw ng bahura at sa mga mabuhanging lugar.

Payat at medyo pabilog na tila hugis tabako ang katawan ng galunggong. Malaberde o kumikinang na asul ang kulay ng likod nito, samantalang kulay pilak o maputî ang tiyan. Malimit na may maliliit at itim na batik ang talukap ng hasang, may mga tinik ang palikpik sa likod at puwit, at kadalasang may dilaw na linya sa katawan mula ulo hanggang buntot.

Kapag nasa tamang gulang para magparami, maaari itong mangitlog pagkalipas ng 10-12 buwan. Nangingitlog ito sa buong taon at ang mga itlog ay nagpapalutang-lutang bago mapisa.

Maraming uri ng galunggong at ang isa sa mga kilala at ginagamit sa komersiyo ay ang Decapterus macrosoma. May karaniwang haba na 25 sentimetro ang ganitong uri ng galunggong at ang pinakamalaking naitala ay umaabot ng 35 sentimetro.

Nakalukong palikod ang hulihan ng ibabaw ng panga nito at may nakausling pabilog. Mas payat ito kompara sa ibang uri ng galunggong. Hinuhuli ito sa pamamagitan ng basnig, pangulong, pante, galadgad, at bundak.

Sa Filipinas, ang mga tradisyonal na lugar para manghuli ng galunggong ay sa mga dagat at look ng Sulu, Kabisayaan, Sibuyan, Lamon, Ragay, at Babuyan. Kadalasan itong ibinebenta nang sariwa o ginagawang daeng at tinapa. Ginagamit din itong pain para sa malalaking isda.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: