Si Ishmael Bernal ay hinirang na Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula noong 2001.

Isa siyang direktor sa pelikula at itinuturing na pangunahing haligi ng tinaguriang Ikawalang Gintong Panahon ng pelikulang Filipino. Isa siya sa nagpaunlad at nagtaas ng kalidad ng pelikula sa pamamagitan ng paglihis sa nakagawiang pamamaraan at nilalaman sa paglikha ng pelikula.

Mga mohon sa larangan ng paglikha ng pelikula sa bansa ang mga obra niyang

  • Pagdating sa Dulo (1971), 
  • Nunal sa Tubig (1976), 
  • Manila By Night (inilabas na City After Dark, 1980), 
  • Himala (1981) at 
  • Hinugot sa Langit (1985). 

Ilan pang mahahalagang hiyas sa mahigit sa 50 pelikulang nagawa ni Bernal ay ang sumusunod: mga tumatalakay sa kasaysayan na El Vibora (1972) at Lahing Filipino (1976); mga may temang nagpapalawig sa iba’t ibang uri ng karakter ng indibiwal at pakikipagrelasyon; Pabling (1981), Ligaw na Bulaklak (1976), Working Girls I (1984), Till Death Do Us Part (1972), Walang Katapusang Tag-Araw (1977); Galawgaw (1982), Ito Ba ang Ating Mga Anak (1982); eksperimental na pelikula, ang Scotch on the Rocks to Remember, Black Coffee to Forget (1975). Ang pelikulang Wating (1994) ang pinakahuling obra ni Bernal.

Bukod sa paggawa ng pelikula ay nasangkot din siya sa dulaan. Gumanap siya sa mga dulang Kamatayan sa Anyo ng Isang Rosas (1991) at Bacchae (1992). Nagbigay rin siya ng mga palihang panteatro at nagdirihe ng mga dula para sa Sining, isang pederasyon ng mga grupong panteatro ng mga kabataan sa komunidad.

Kinilala siya ng Urian bilang Pinakamahusay na Direktor sa mga pelikulang Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977); Broken Marriage (1983); Hinugot sa Langit (1985); at Pahiram ng Isang Umaga (1989).

Kinilala rin siya bilang manunulat nang igawad sa kaniya ang Pinakamahusay na Iskrip para sa City After Dark (1980).

Ginawaran din siyá ng FAMAS, Catholic Mass Media Awards (CMMA), at Metro Manila Film Festival.

Sina Elena Bernal at Pacifico Ledesma ang kaniyang mga magulang. Nagaral siya sa Mababang Paaralan ng Jose Burgos, Mataas na Paaralang V. Mapa, at Unibersidad ng Pilipinas.

Nang makapagtapos sa UP ng A.B. English, medyor sa Literatura, nagpatuloy siya ng pag-aral ng panitikan at pilosopiyang Pranses sa University of Aix-en-Provence sa France. Nagtungo rin siya sa India para mag-aral sa Film Institute of Poona.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: