Itinuturing na isa sa pangunahing makata ng Filipinas sa wikang Espanyol, halos buong buhay ni Jesus Balmori (He·sús Bal·mó·ri) ay nagugol sa pagsusulat.

Kilala din siya sa alyas na “Batikuling” na ginamit sa pagsulat ng kolum na “Vida Manileña” sa La Vanguardia na nagtatanghal sa buhay Filipino sa nakatatawang paraan bago magkadigma.

Tugatog ng tagumpay niya bilang makata ang pagwawagi ng kaniyang koleksiyong Mi Casa de Nipa ng unang gantimpala sa timpalak pampanitikan ng Komonwelt noong 1938.

Isinilang si Balmori noong 10 Enero 1887 sa Ermita, Maynila at nagaral sa Colegio de San Juan de Letran at sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Sa paaralan pa lamang ay umani na ng papuri ang kaniyang talinong pampanitikan. Napangasawa niya si Dolores Rodriguez.

Noong 1904, sa gulang na 17 taon, inilathala niya ang kaniyang unang aklat ng tula, ang Rimas Malayas. Sa isang timpalak sa pagdiriwang ng Araw ni Rizal, ang kaniyang tatlong lahok na may magkakaibang sagisag ay nagwagi ng una, ikalawa, at ikatlong gantimpala.

Noong 1908, ang kaniyang tulang “Gloria” ay nagtamo ng unang gantimpala sa timpalak ng El Renacimiento.

Sumulat din siya ng mga nobela, ang Bancarrota de Almas, Se Deshojo la Flor, at Pajaros de Fuego.

Natapos ang ikatlong nabanggit sa panahon ng pananakop na Hapones. Sa panahon ding ito itinanghal ang ilang dula niya sa Espanyol.

Ipinadala siya sa ibang bansa bilang embahador ng pagkakaibigan at nakarating siya sa Espanya, Mexico, Timog Amerika, at Japan.

Nasa Mexico siya nang magkasakít at bahagyang naging paralisado. Namatay siya noong 23 Mayo 1948 sa kanser sa lalamunan. Sinasabing namatay siya ilang sandalî pagkatapos idikta ang kaniyang tulang “A Cristo” sa kaniyang asawa. Tula pa rin ang nilalaman ng kaniyang hulíng hininga.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: