Tradisyonal na putong sa ulo ang salakot at pananggalang sa init ng araw o bugso ng ulan.

May hubog itong pabilog, pabalisungsong, at may malapad na pardilya. Karaniwang yari ito sa kinayas na kawayan, nito, yantok, o dahon ng sasa at masinsing nilala.

Sa gitna ng pang-ilalim na rabaw nito ay may tinatawag na baat—tila koronang nilalang kawayan o yantok at isinusukat ang luwang alinsunod sa laki ng ulo ng magsusuot. Nagbabago ang disenyo, gamit, at sagisag ng salakot alinsunod sa panahon at sa layunin ng nagsusuot.

May iba’t ibang uri ng salakot mulang Luzon hanggang Mindanao. Ang tinatawag na “tapisan” ng mga Tiruray at Magindanaw ng Cotabato ay yari sa uway na masinsing nilala at may disenyo ng itim na nito.

Sa Quezon, may salakot na yari sa nilalang sayubak o balat ng punong saging at may patigas na yantok o nilapat na kawayan.

Noong ika-19 siglo, nauso ang salakot na may palamuting hugis bituin o bulaklak sa tuktok. Gawa sa dinikdik na takupis ng tipay ang mga naturang disenyong heometriko. May salakot namang may nakapalawit na baryang pilak at nakapaikot sa gilid. Ang tali ng salakot na nakasakbat sa baba ng nagsusuot upang hindi tangayin ng hangin ay nilalagyan din ng palamuti. May tali na yari sa pinagkabit-kabit na baryang pilak.

Ang salakot ay bahagi ngayon ng sagisag sa karikatura ni Juan dela Cruz, ang imahen ng ordinaryong Filipino. Nakasuot siya ng barong tagalog, may pantalong alanganin ang habĂ , nakatsinelas, at may suot sa ulo na salakot.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: