Ipinagkaloob kay Samaon Sulaiman (Su·má·on Su·láy·man), gayundin sa mga Kutyapi Artist ng Maganoy, Maguindanao, ang Gawad Manlilikha ng Bayan noong 1993 para sa kaniyang natatanging kasiningan at dedikasyong patuloy na tugtugin ang kutyapi sa panahong hindi na ito ginagamit sa maraming bahagi ng Mindanao

Sa larangan ng musika, kakaunti lamang sa mga komunidad pangkultura ng Filipinas ang maipapantay sa mga Magindanaw. Ang kahusayan nila sa pagtugtog ng kutyapi ay maikokompara sa mga musikero mula sa Silangan at Hilaga.

Mayroong iba’t ibang disenyo, hubog, at laki ang kutyapi.Tinatawag ito sa iba’t ibang pangalan ng iba’t ibang komunidad pangkultura tulad ng kotapi (Subanon), fegereng (Tiruray), faglong (Bilaan), hegelong (Tiboli), at kuglong o kudlong (Manobo).

Ang kutyapi ng mga Magindanaw ay isa sa mga pinakamahirap tugtugin sa mga tradisyonal na instrumentong Filipino. Pangunahing dahilan ito kung kaya’t hindi nahihikayat ang mga nakababatang henerasyong pagaralan ito.

Bagaman dadalawa lamang ang kuwerdas, komplikado itong tutugtugin. Habang ang unang kuwerdas ay lumilikha ng regular at monotonong tunog, ang pangalawa ay nagtataglay naman ng naigagalaw na fret na nagbibigay ng melodiyang maaaring tugtugin sa dalawang pentatonikong eskala.

Labintatlong taong gulang lamang si Samaon Sulaiman nang matutuhan niyá ang pagtugtog ng kutyapi mula sa kaniyang tiyuhin.

Ngayon, siya na ang kinikilalang maestro at guro ng instrumentong ito sa Libutan at sa iba pang barangay sa bayan ng Maganoy.

Naipamamalas niya ito sa lawak ng musikang kaniyang tinutugtog tulad ng dinaladay, linapu, minuna, binalig, at iba pang porma at estilong nagpapakita ng kapinuhan at sensibilidad na malilikha ng naturang instrumento.

Mahusay rin si Samaon Sulaiman sa pagtugtog ng kulintang, agung, gandingan, palendang, at tambul.

Bukod sa pagiging musikero, kilala rin siyang barbero sa kanilang komunidad at isang imam sa masjid sa Libutan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: