Ang sampagita (Jasminum sambac) ay isang uri ng hasmin na may maliliit at mababangong puting bulaklak.

Ang likas na pagtubo nito ay katulad ng isang baging ngunit dahil mas gusto ng mga nag-aalaga nito na manatiling mababa ang puno, lagi itong tinatabas.

Ang mga dahon nito ay maliliit, pabilog, kulay berde at makintab. Itinakda ito bilang Pambansang Bulaklak noong 1 Pebrero 1934 ni Gobernador Heneral Frank Murphy.

Dahil sa anyo nito, lalo na ng mga bulaklak nito, puti, hugis bituin, maliit, at mabango—itinuturing itong sagisag ng pagiging tapat, dalisay, at payak.

Madalas itong gamiting palamuti. Tinutuhog ang mga bulaklak nito sa may tangkay at ginagawang kuwintas. Isinasabit ito sa mga turista, panauhing pandangal, o sa mga magsisipagtapos na mag-aaral. Ginagawa rin itong dekorasyon sa mga sasakyan.

Ginagamit din ito bilang alay sa mga santo at palamuti sa simbahan. Tampok na bulaklak din ito sa mahahalagang okasyon tulad ng Flores de Mayo at mga prusisyon.

Sa ibang mga bansa na may tanim ding sampagita o kahalintulad nito, nagagamit din ang mga bulaklak nito bilang tsaa. Nagiging sangkap din ang matamis at mahalimuyak na katas ng bulaklak nito sa paggawa ng pabango. Ginagamit din ang mga bulaklak o dahon nito sa paggawa ng gamot para sa lagnat, ulcer, at pamamaga ng mata.

Ito ay sinasabing nagmula sa bansang India at kumalat sa buong Asia at iba pang mga karatig bansa. Namumulaklak ito sa panahon ng tag-init at namumunga ng maliliit na itim na madalas makikita sapagkat inaani agad ang mga bulaklak nito.

Mahigit sa dalawang daan ang species ng Jasminum at isa na dito ang ating pambansang bulaklak. Mainam sa pagtubo ng halamang sampagita at pamumulaklak nito kung ito ay direktang nasisinagan ng araw.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: