On
Ang sinarapan o Mistichthys luzonensis ay isang uri ng biya na kilala sa buong mundo bilang pinakamaliit na komersiyal na isda. Nabibilang ito sa pamilya Gobiidae.

Sa Filipinas lamang ito natatagpuan at katutubo sa rehiyon ng Bikol. Kadalasang matatagpuan ang sinarapan sa probinsiya ng Camarines Sur, lalo na mga lawa ng Buhi, Bato, Katugday, at Manapao.

Nanganganinag ang katawan nito. Hubad ang ulo nito pero nababalutan naman ng mga kaliskis ang katawan nito. May 23-24 na kaliskis na nasa hanay pahaba samantalang anim naman ang nasa pahalang. May makikitang apat na tinik sa likod. May karaniwang habang 12.5 sentimetro ang isang sinarapan at ang pinakamalaking naitala ay 2.5 sentimetro.

Nahuhuli ang isdang ito sa pamamagitan ng sakag at sarap. Malinamnam at masarap na pagkain ang sinarapan (kaya ito ang tawag sa isdang ito) at itinuturing na pinakaimportanteng pinagkukunan ng kabuhayan ng mga naninirahan sa lawa.

Naitala rin ang isdang ito sa Guinness Book of World Records bilang pinakamaliit na isdang kinakain ng tao. Nanganganib na mawala ang sinarapan dahil sa labis na pangingisda at ang pagpapasok ng mga isdang nagmumula sa ibang lugar.

Ayon sa pag-aaral, maaaring ang pagpasok ng isdang tilapya sa Lawang Buhi ang naging dahilan ng pagkaubos ng sinarapan dito.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: