Sino si Jose P. Laurel?

Sa panahon ng Pananakop ng mga Hapones ay nagtayo ng isang pamahalaan noong 14 Oktubre 1943 at itinuturing itong Ikalawang Republika ng Filipinas. Si Jose P. Laurel (Ho·sé Pi Law·rél) ang nahalal na pangulo ng naturang pamahalaan.

Isinilang si Laurel sa Tanauan, Batangas noong 9 Marso 1891 kina Sotero Laurel at Jacoba Garcia.

Nagtapos siya ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas at ikinasal sa kaeskuwelang si Paciencia Hidalgo. Nagkaroon sila ng siyam na anak at ilan ang humawak din ng mataas na tungkulin: si Jose Laurel Jr. na naging ispiker ng Mababang Kapulungan (1953-1957), si Sotero Laurel na naging pangulo ng Lyceum of the Philippines, at si Salvador Laurel na naging pangalawang-pangulo ng Filipinas (1986-1991).

Dahil sa talino, ipinadala siyang pensiyonado sa Yale University. Pagkatapos, nag-aral siya ng pilosopiyang political sa Oxford University.

Pagbalik ay humawak siya ng iba’t ibang tungkulin sa gobyernong Amerikano hanggang kumandidato noong 1925 at manalong kinatawan sa Asamblea.

Naging majority floor leader din siya sa Senado at delegado sa 1935 Kumbensiyong Konstitusyonal, at naglingkod na kagawad ng Kataas-taasang Hukuman.

Sa panahon ng digma, hinirang siya ni Quezon na Kalihim ng Katarungan, at sa ilalim ng mga Hapones ay hinirang siyang Komisyoner ng Katarungan at pagkatapos ay Komisyoner Panloob sa Philippine Executive Commission sa ilalim ni Jorge B. Vargas.

Nahalal siyang pangulo ng Filipinas ng itinatag ang Ikalawang Republika sa ilalim ng mga Hapones. Nasa Hapon siya nang makabalik ang mga Amerikano at kasama doon ang pamilya at ilang lider na sina Camilo Osias ng edukasyon, Ispiker Benigno S. Aquino, at Hen. Mateo Capinpin.

Isa siya sa mga inihablang kolaboreytor ngunit nabigyan ng amnestiya ni Pangulong Manuel A. Roxas. Kumandidato siyang senador noong 1953 at nagwagi.

Bahagi ng tagumpay niya ang Kasunduang Laurel-Langley na nagtatakda ng panahon para sa pag-iral ng karapatang hanggang 3 Hulyo 1974. Pumanaw si Laurel noong 6 Nobyembre 1959 dahil sa atake sa puso.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply