sungka



Isa sa mga sikat na laro sa Filipinas ang sungka (sung·kâ, súng·ka). Nilalaro ito ng dalawang tao na nakaharap sa kahoy na parihaba na may pitong butas o ang pitong bahay sa bawat hilera ng manlalaro.

Mayroon ding mas malaking butas-imbakan sa magkabilang dulo ang sungka. Karaniwang ginagamit ang sigay bilang ang bagay na inihuhulog sa mga “bahay.”

Nagsisimula ang laro sa paglalagay ng pitong sigay sa bawat bahay ng magkaharap na hilera. Sa unang ikot, pumipili ng isang bahay ang bawat manlalaro. Kukunin nila ang mga sigay at ihuhulog ito sa bawat bahay na madaraanan ng kanilang pag-ikot.

Ang pag-ikot sa paghuhulog ay pakanan. Sa simula ay magkasabay na tumitira ang dalawang manlalaro. Ihuhulog nang isa-isa sa bawat bahay kasama ang butas-imbakan. Ang nilalampasan lamang sa paghuhulog ng sigay ay ang butas-imbakan ng kalaban. Sa tuwing may laman pa ang bahay na pinaghulugan ng pinakahuling sigay na hawak ng manlalaro, kukunin niya ang lahat ng sigay sa bahay na ito at ipagpapatuloy ang paghuhulog sa bawat bahay na dinaraanan.

“Mamamatay” lamang ang isang manlalaro kung may nag-iisang sigay na mahuhulog sa blangko o walang lamang bahay. Hábang ang isang natitira ay magpapatuloy hangga’t hindi pa “namamatay.” Uulitin muli ang proseso.

Sa pagkakataon namang napupunta ang huling sigay sa sariling hilera, mamamatay ang manlalaro subalit maaari niyang kunin ang mga sigay sa katapat na bahay ng kalaban at ilalagay ito sa butas-imbakan.

Subalit kung sa blangkong bahay sa hilera ng kalaban nahulog ang huling sigay, mamamatay ang manlalaro nang hindi makakukuha ng sigay.

Ang manlalarong makaiipon ng mas maraming sigay sa sariling butas-imbakan at makapagpablangko sa isang bahay o “makasusunog” o makapapatay sa bahay ng kalaban ay ang idedeklarang panalo sa laro.

Sa salitang Arabe, ang sungka ay tinatawag na larong “mancala” na ang kahulugan ay bilangin at pulutin. Isa rin itong variant ng congklak o congkak ng mga taga-Indonesia, Brunei, Singapore, at Malaysia.

Sa Filipinas, bata man o matanda ay nilalaro ang sungka. Ipinagpapalagay na nakapagpapatalas ng isip o memorya, nakatutulong sa pagtuturo ng konsentrasyon, at nakapagpapahusay sa matematika ng mga sinaunang Filipino ang larong sungka.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr  at ang larawan naman ay mula sa @psa_gov (Philippine Sports Commission)


Mungkahing Basahin: