Ano ang akapulko?

Ang akapulko (Cassia alata Linn.) ay isang tuwid na puno na may magaspang na balat at mga sanga na may palumpong na mga dahong kulay berde. Ang dahon ng akapulko ay may kulay kahel sa gitna nito at may mga 16-28 maliliit na dahon.

Nagkakaroon ito ng axis na tinutubuan ng mga bulaklak nito na kulay dilaw, may apat na sisidlan ng mga buto, at naglalaman ng mga 50 hanggang 60 lapad at hugis triyanggulong mga buto.

Ang bulaklak naman ng akapulko ay napapalibutan ng kulay dilaw hanggang kulay kahel na pinaliit na dahong sumusuporta sa bulaklak nitó at kusang nalalagas pagdating ng tamang oras.

Sa Filipinas, ang akapulko ay ginagamit bilang halamang-gamot. Ang dahon nito ay maaaring gamitin sa mga sakit sa balat at pampurga. Ginagamit din itong halamang-gamot para sa mga may hika at brongkitis.

Ang akapulko ay ginagamit na sangkap para sa paggawa ng sabon, syampu, at losyon. Katunayan, ang Philippine Council for Health Research and Development ay tumulong sa pagsulong ng teknolohiya para sa paggawa ng losyon na akapulko.

Madalîng paramihin ang puno ng akapulko sa pamamagitan ng pagtatanim ng buto o kaya naman ay pagtatanim ng pinutol na parte ng katawan nito. Dahil hindi ito maselang halaman, madalî itong buhayin.

Sa Filipinas, ang akapulko ay kilala sa iba’t ibang pangalan na gaya ng

  • antsarasi, 
  • andadisi, 
  • andalan, 
  • bayabasin, 
  • bikas-bikas, 
  • buni-buni, 
  • kapis, 
  • kapurko, 
  • kasitas, 
  • pakayomkom-kastila, at 
  • sunting. 


Mula ang pangalang “akapulko” sa Acapulco, isang lungsod sa Mexico.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: