Ang isdang ayungin

Ang ayungin (Leiopotherapon plumbeus) ay kabilang sa pamilya Terapontidae. Ito ay katutubo sa Filipinas at matatagpuan sa mga tubig tabang sa Luzon. Nanganganib na maubos ang populasyon ng ayungin.

Ang katawan ng ayungin ay maliit at kulay pilak. Ito ay may karaniwang haba na 15.9 sentimetro. Ang itlog ay binabantayan ng lalaki. Kadalasan ang babae ay mas malaki kaysa lalaki. Lumalangoy nang magkakasama at magkakalapit ang mga ito upang maiwasang makain ng mga dalag at ahas sa tubig. Kumakain ito ng hayop at halamang tulad ng plangkton, maliit na hipon, itlog ng mga isda, lumot, at insekto.

Ang ayungin ay kilalang nahuhuli sa mga lawa ng Laguna at Taal. Ito ay hinuhuli sa pamamagitan ng bingwit, na ginagamitan ng pinakamaliit na kawit dahil sa napakaliit na bibig. Walang kabuluhang gumamit ng lambat sa panghuhuli dahil ito ay lumalangoy sa gitnang bahagi ng tubig. Ang pinakamainam na pain ay ang maliliit na hipon na kung tawagin ay yapyap.

Bagama’t maliit, mataas ang pangangailangan para dito dahil sa malasang laman kompara sa ibang isda na nahuhuli sa tubig tabang.

Depende sa panahon, ang presyo ng sariwang ayungin ay PhP 300 bawat kilo samantalang ang idinaeng naman ay PhP 200 hanggang PhP 800 bawat kilo.

Noong araw, maraming ayungin ang nahuhuli sa mga ilog at look. Subalit ang walang tigil na panghuhuli para pagkain ng tao at iba pang hayop tulad ng pato ang itinuturong dahilan ng pagkaubos nito.

Sa kasalukuyan, madalang nang makitang ibinebenta ang ayungin sa mga palengke. Upang protektahan at pigilan ang tuluyang pagkaubos nito at ng iba pang isda na katutubo sa Filipinas, ipinalabas ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang Fisheries Administrative Order 233-1 noong 2010.

Pinagmulan: NCCA Official | Flickr

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply