On
Ano ang ar-arosep?

Isang uri ng kinakaing halamang-dagat ang Caulerpa lentillifera na higit na kilala sa pangalan nitong ar-arosep sa Ilokano at lato sa Tagalog.

Para itong kumpol-kumpol na berdeng ubas kaya sea grapes ang tawag sa Ingles. Inalagaan na ito sa maraming pook sa Filipinas at sa Okinawa at kinakain nang hilaw bilang ensalada. Mayaman ito sa iodine, iron, calcium, at mga bitamina A at C. Kilala itong omi-budo sa Okinawa na “ubas dagat” ang ibig sabihin.

Masagana ang ar-arosep sa Pangasinan, lalo na sa mga bayan ng Agno, Lingayen, at Bolinao. Karaniwang isinasawsaw lamang sa suka ang hilaw na ar-arosep. Ngunit sa Pangasinan, hinahaluan ito ng mga pinirasong kamatis at bagoong (siyempre, bagoong Pangasinan).

May matagumpay nang pond cultivation ng ar-arosep sa isla ng Mactan at ipinagbibili ang ani sa Cebu at Manila. Umaabot ito sa 400 ektarya at umaani ng 12-15 tonelada ng sariwang damong-dagat bawat ektarya taontaon. Isang malaking problema ang pagluluwas nitó sa ibang bansa dahil mabilis malanta. Kamakailan, iniluluwas ang inasnang lato sa Japan at Estados Unidos.

Lumilitaw sa pag-aaral na bumababa ang kalidad ng lato o ar-arosep dahil sa pagkawala ng tubig na nangangahulugan ng pagkawala din ng iodine at bitamina A. Lumilitaw din sa saliksik na naaapektuhan ang lasa nito ng pagkawala ng tubig. Nababawasan ang pagiging madulas at makatas nito.

Ang malaking problema, higit na malaking bahagi nitong tubig at iodine ang nawawala kapag malakas ang konsentrasyon ng asin. Sa gayon, hindi nakaiinam ang mataas na konsentrasyon ng asin sa ar-arosep na pangexport. Ngunit kailangan ang malakas na pag-aasin dahil napananatili naman ang kulay, amoy, at itsura ng ar-arosep para sa matagal na biyahe.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: