Atsara

Ano ang atsara?

Karaniwang tinatawag na atsara ang pampalasa na gawa sa ginadgad na murang papaya at ibinabad sa suka.

Gayunman, ang pinagmulan nitong atchara sa Espanyol ay anumang gulay na ibinabad sa suka at isang prosesong katulad ng pickle sa Ingles.

Ang atsara ay itinuturing na mainam na pampalasa sa inihaw o pritong pagkain, lalo na barbekyu.

Ang nakagarapong atsara ay binubuo ng ginadgad na murang papaya, hiniwang carrot, binlatang mga liha ng bawang, at mga piraso ng luya, sibuyas, at siling pukinggan.

May nagdadagdag ng pampatamis na pasas at pinya. Para mas tumapang, dinadagdagan pa ng paminta. Saka ibinababad sa solusyong suka, asukal o sirup, at asin sa loob ng isang garapong mahigpit ang pagkakatakip sa loob ng ilang araw. Kapag binuksan, kailangang itago ang atsara sa loob ng palamigan upang manatili ang lasa at hindi lubhang umasim.

May popular ding atsarang labong ng kawayan. Ang totoo, katumbas na ngayon ang atsara ng gamit nito sa Espanyol, gaya sa atsarang pipino, atsarang talong, at iba pang gulay.

Pinagmulan: NCCA Official

Mungkahing Basahin:

Leave a Reply