Si Muhammad Azim ud-Din I, isinusulat ding Muhammad Alimuddín, ay sultan ng Sulu at Sabah sa panahong 1735-1748 at panahong 1763-1773.

Anak siya ni Sultan Badar ud Din I at nag-aral sa Batavia (Djakarta ngayon).

Doon siya natuto ng Arabe at Malay at naging dalubhasa sa Koran. Bumaba ng trono para sa kaniya ang kaniyang ama dahil sa katandaan noong 1732 ngunit pormal siyang kinilala bilang sultan noong 1735 nang umatras ang kaniyang pinsang si Nasar ud-Din.

Sinasabing isa siyang matalinong pinuno at alagad ng kapayapaan. Mahalaga siya sa mga pinuno ng Sulu dahil lahat halos ng datu ngayon ay nakaugnay sa kaniyang angkan.

Nagkaroon ng malaking intriga nang diumano’y pahintulutan niyang makapasok sa kaniyang teritoryo ang mga misyonerong Heswita. Nag-alsa ang mga pandita. Sapilitan siyang pinalitan ng kapatid na si Bantilan bilang sultan at umalis siya ng Jolo kasama ang pamilya at ilang alagad.

Dumating siya sa Cavite noong 2 Enero 1749 at pinarangalan ng mga Espanyol. Noong 1750, nakumbinsi siyá ni Gobernador Juan de Arechederra, na obisbo din ng Nueva Segovia, na magpabinyag. Naganap ito noong 29 Abril 1750.

Pinangalanan siyáng Fernando de Alimuddin I, at maituturing na unang sultan ng Sulu na naging Kristiyano. Nagpabinyag din ang mga anak niyang sina Israil at Fatimah.

Pinangakuan siya ng mga Espanyol na ibalik sa kapangyarihan, ngunit pinaghinalaan ang katapatan kaya ipiniit noong 1751 sa kasalanang pagtataksil.

Sa isang bersiyon, nabilanggo siya hanggang sakupin ng mga Ingles ang Maynila. Tinulungan siya ng mga Ingles na mabawi ang kapangyarihan noong 1763.

Sa ikalawang bersiyon, nagpalit diumano ng gobernador noong 1754. Higit na mabuti ang ginawang trato ni Gobernador Pedro Manuel de Aranda kay Azim ud-Din. Binigyan pa siyá ng pensiyon at pinayagang makabalik sa Jolo.

Noong Nobyembre 1773, iniwan niya ang trono para sa kaniyang anak na si Israil. Hindi maliwanag kung tunay siyang nagpalit ng relihiyon. Nang bumalik siyá sa Sulu ay masayáng tinanggap siyá ng mga sákop at namuhay nang isang Muslim hanggang mamatay.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: