Sino si Maria Corazon Cojuangco Aquino?

Isang “di-akalaing” pangulo si Maria Corazon Cojuangco Aquino (Mar·yá Ko·ra·zón Ko·hwáng·ko A·kí·no) nang iluklok siyá sa Malacañang ng People Power sa EDSA at maging unang babaeng pangulo ng Republika ng Filipinas.

Tinapos ng Pag-aalsang EDSA ang mahigit 20 taong pamumuno ni Pangulong Marcos at ibinalik ng pamumuno ni Pangulong Aquino ang demokrasya sa bansa.

“Tita Cory” ang popular na tawag kay Pangulong Aquino. Taglay ng palayaw ang pangyayaring tila isa lamang siyang tahimik na maybahay ng martir na si Benigno (Ninoy) Aquino Jr. ngunit isinulong sa politika dahil sa pagpaslang kay Ninoy noong 21 Agosto 1983.

Isinilang si Tita Cory sa Maynila noong 23 Enero 1933 at anak nina Jose Cojuangco Sr. at Demetria Sumulong na kapuwa mula sa mariwasa at politikong pamilya.

Noong 1946, nagpunta sa Estados Unidos ang kaniyang pamilya kaya doon siya nagtapos ng mataas na paaralan at ng kursong Batsilyer sa Sining.

Bumalik siya sa Filipinas at kumuha ng abogasya sa Far Eastern University ngunit hindi nakatapos dahil ikinasal kay Ninoy.

Nagkaroon sila ng limang anak: sina

  1. Maria Elena, 
  2. Aurora Corazon, 
  3. Victoria Eliza, 
  4. Benigno III (Noynoy) na naging pangulo ng Filipinas, at 
  5. Kristina Bernadette (Kris) na isang popular na artista.


Bago ang 1983, isang tapat na maybahay at mapagmahal na ina ang tungkulin ni Tita Cory. Kailangan iyon upang maitaguyod ang masiklab na karera ni Ninoy bilang politiko.

Si Ninoy ang itinuturing na nag-iisang tinig ng oposisyon sa panahon ng pamumuno ni Pangulong Marcos.

Sa eleksiyong 1967, si Ninoy lamang ang nagwaging kandidatong senador ng tiket Liberal. Si Ninoy din ang patuloy na tumuligsa at nagbubulgar ng mga anomalya sa administrasyon.

Nang pairalin ang Batas Militar, isa si Ninoy sa unang-unang dinakip at ipiniit. Pinawalan lamang siya dahil sa karamdaman at sa kondisyong magtitira sa Estados Unidos. Saksi at nasa likod ni Ninoy si Tita Cory sa buong pangyayari.

Nang tumawag ng Snap Elections si Pangulong Marcos noong 7 Pebrero 1986, napagkaisahang ilaban ng oposisyon si Tita Cory.

Napasalin sa kaniya ang paghanga kay Ninoy. Nang magwagi ang protesta ng taumbayan sa pamamagitan ng mapayapang na People Power (tinatawag ngayong Pagaalsang EDSA) at mapatalsik si Pangulong Marcos noong gabi ng 25 Pebrero 1986 ay nanumpa na sa umaga ng araw na iyon si Tita Cory bilang pangulo.

Bumuo ng Komisyong Konstitusyonal si Tita Cory upang bumuo ng bagong Saligang-Batas. Sa kabila ng mga kudeta, isa-isang ibinalik ng kaniyang administrasyon ang mga demokratikong institusyon. Sinunod din niya ang bagong 1987 Konstitusyon na bumaba sa tungkulin pagkatapos ng anim na taon. Ngunit patuloy siyang pumatnubay sa takbo ng politika at hindi lumipas ang kaniyang pambihirang popularidad hanggang igupo ng karamdaman noong 1 Agosto 2009.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: