Ang salitang mestiso (mestizo) ay tumutukoy sa mga anak ng mag-asawang magkaiba ang lahi. Noong panahon ng Espanyol, ito ang naging taguri sa anak ng Espanyol o Tsino na ama at ng inang Filipina (o India) o ang kabaligtaran nito.

Hindi ipinagbabawal ang pagsasama ng magkaibang lahi. Sa katunayan, kinilala ang mga mestiso bilang isang natatanging sektor ng lipunan simula pa noong 1750. Gayunman, higit na mababĂ  pa rin ang tingin sa kanila kompara sa mga anak ng parehong Espanyol o Tsino. Dahil dito, mas iniuugnay ang mga mestiso sa grupo ng mga Filipino o Indio kaysa mga lahing Espanyol o Tsino.

Karamihan sa mga mestiso bago ang siglo 19 ay mga “Mestizo de Sangley” o mga produkto ng ugnayang Tsino at Filipino. Di tulad ng mga mestisong Espanyol, karamihan sa mga mestisong Tsino ay madaling nakakahalubilo sa mga katutubong Filipino. Dumami lamang ang mga mestisong Espanyol pagsapit ng siglo 19 nang buksan ang Filipinas sa pandaigdigang kalakalan at mapadali ang paglalakbay mula sa Espanya matapos buksan ang Kanal Suez.

Noong gitnang bahagi ng siglo 19, marami na sa mga mestiso ang yumaman, nagmay-ari ng lupa, nakapag-aral at nagkaroon ng posisyon sa pamahalaan. Dahil sa hangaring tumaas ang pagkilala sa kanila sa lipunan, at bilang pakikiisa sa ibang inaaping sektor, naging aktibo ang mga mestiso sa usapin ng sekularisasyon ng mga parokya, sa Kilusang Propaganda, at sa Himagsikang 1896. Dahil dito, marami sa ating mga bayani, kagaya ni Dr. Jose Rizal, ay nagmula sa mga lahing mestiso.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr