Si Jose Vasquez Aguilar (Ho·sé Vás·kez A·gi·lár) ay isa sa mga unang Filipino na nakatanggap ng Ramon Magsaysay Award for Government Service noong 1959.

Ang paggagawad ay pagkilala sa kanyang mga naging kontribusyon sa sistema ng edukasyon sa Filipinas. Pinangunahan niya ang pagsasaayos ng pampublikong edukasyon para umangkop sa pamumuhay ng mga nasa kanayunan.

Ipinangananak si Jose V. Aguilar noong 23 Marso 1900 sa baryo ng Caduhaan, Cadiz, Negros Occidental sa mag-asawang Martin Aguilar, Sr. at Sofia Vasquez.

Nang magtapos sa Cadiz Central School noog 1915, agad siyang nagturo sa maliit na paaralan ng baryo sa loob ng isang taon. Nagtapos siya ng edukasyong sekundarya sa Negros Occidental High School noong 1920 at ng batsilyer sa pilosopiya sa Unibersidad ng Denison sa Ohio noong 1925. Tinustusan niya ang sariling edukasyon sa pamamagitan ng pagkuha ng iba’t ibang trabaho.

Sa kanyang pagbabalik sa bansa noong 1925, agad siyang ginawang guro ng Ingles sa Negros Occidental High School. Inihalal siyang academic supervisor ng Masbate noong 1926 at ng Cebu noong 1927. Naging division superintendent siya ng Camarines Norte noong 1928 at ng mga probinsiya ng Antique, Samar, Capiz, at Iloilo sa mga sumunod na taon.

Pagkatapos niyang magbigay ng serbisyo sa mga rural na lugar, kinuha siyang tagapayo ng edukasyong elementarya sa UNESCO Consultative Education Mission sa Filipinas.

Pagdating ng 1945, itinalaga siyang kinatawan ng bansa para sa pagsasaayos ng sistema ng pampublikong edukasyon sa Tsina. Nadagdag dito ang mga hinawakan niyang posisyon sa akademya, lalo na sa Unibersidad ng Pilipinas.

Ipinakita ni Aguilar ang pagpapahalaga sa mga paaralang rural kahit sa kaniyang mga sinulat, gaya ng “Development of Community School Concepts in Other Countries”at “Community Schools of the Philippines.”

Isinulat rin niya noong 1948 ang nobelang The Great Faith, isang kuwentong umiikot sa pagbabago ng mga tradisyon ng Filipinas sa pagdating ng mga Hapones.

Pinasimulan niya ang idea na gawing mas praktikal ang edukasyon depende sa ginagalawang lugar o pamayanan ng paaralan. Noong 1938, bumuo siyá ng isang programang pang-agrikultura sa isang maliit na paaralan sa Aklan, Capiz. Isang magsasaka ang nagkuwento sa kaniya ng mas produktibong pagsasaka ng palay at ito ay itinuro nila sa buong probinsiya sa tulong ng 1,200 pang mga guro at tagasuporta.

Kasabay ng pag-aaral ng mga magsasaka ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Ginamit nina Aguilar ang wikang Hiligaynon na lokal sa lugar ng mga mag-aaral. Ang mga ginawa niya sa sistema ng edukasyon sa Filipinas ay nagsilbing modelo ng iba pang proyekto.

Namatay siya noong 31 Enero 1980.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: