Sino si Teodoro Agoncillo?

Pambansang Alagad ng Agham, si Teodoro A. Agoncillo (Tyo·dó·ro A·gon·síl·yo) ang kinikilálang ama ng makabansang pananaw sa pagsulat ng kasaysayan. Iginiit niyá na dapat sulatin ang kasaysayan ng Filipinas ng isang Filipino at sa pananaw na Filipino at ipinakita ito sa kaniyang mga aklat, upang matigil ang lubhang pananalig noon sa historyang likha ng mga dayuhan.

Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Agham (National Scientist), postumo, noong 11 Hulyo 1985.

Si Agoncillo ang pangunahing may-akda ng History of the Filipino People. Ito ay naging pamantayang sanggunian sa pag-aaral ng kasaysayan ng Filipinas. Bahagi ng kaniyang umaabot sa 22 aklat ang Filipino Nationalism 1872-1971, Malolos: The Crisis of the Republic, The Fateful Years: Japan’s Misadventure in the Philippines, at The Burden of Proof: The Vargas-Laurel Collaboration, na kinikilala ngayon bilang mga saligang babasahin upang maunawaan ang naratibo ng bansang Filipinas sa modernong panahon.

Ang librong The Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan ang itinuturing na pinakamahalagang akda ni Agoncillo sa larangan ng makabayang historyograpiya. Umani ito ng maraming papuri ngunit binatikos ng mga konserbatibong historyador ang kaniyang makabayan at radikal na naratibo ng kasaysayan.

Dahil sa mga kontrobersiya, ipinatigil ni Pangulong Ramon Magsaysay noong 1948 ang pagpapalimbag sa aklat. Nalathala lamang ito noong Pebrero 1956. Nagkamit si Teodoro Agoncillo ng mga parangal, at tampok sa mga ito ang Republic Cultural Award (1967), UNESCO Prize for Best Essay (1969), at ang Diwa ng Lahi (1982), ang pinakamataas na parangal na iginagawad ng Lungsod ng Maynila.

Ipinanganak si Agoncillo noong 9 Nobyembre 1912 sa Lemery, Batangas.

Nagtapos siya ng batsilyer sa pilosopiya (1934) at masterado sa sining (1935) sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagsimula siyang makilala bilang makata at kritiko sa panitikan, naging pundador na kasapi ng Kapisanang Panitikan, ngunit higit na natuon ang isip sa kasaysayan nang magturo sa UP. Naging punò siyá ng Kagawaran ng Kasaysayan sa UP at naging University Professor, pinakamataas na ranggong akademinko sa UP.

Namatay siya sa sakít noong 14 Enero 1985.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr