On
Karaniwang matatagpuan sa tubig tabang ang dalag (Chana striata). Naninirahan ang isdang ito sa lugar na maputik ngunit maaari ding mabuhay ito sa tubig na madumi at may mabagal na agos.

Sa kasalukuyan, inaalagaan ang dalag sa mga palaisdaan sa mga bansang tulad ng Thailand, Vietnam at Filipinas. Sa Katagalugan, bulig ang tawag sa batang dalag.

May mabilog na katawan ang dalag, may malaki at paimpis na ulo tulad sa isang ahas, at may bilugang buntot. Mapusyaw na tila kayumanggi ang kulay nito at may parang grasa sa ibabaw. May mga itim na batik sa palikpik sa may dibdib nito. Maitim ang buntot ng dalag na may tila anyong lungtiang tanso. Maitim at may batik na kulay itim at magkahalong kahel at dilaw ang balat sa likod at tagiliran, samantalang maputî naman ang tiyan.

Sa loob ng dalawang taon maaaring lumaki hanggang 30-36 sentimetro ang isdang ito. May bigat na tatlong kilo ang naitalang pinakamalaking dalag na nahuli sa Filipinas.

Bagaman matatagpuan din ang dalag sa tubig alat, namumuhay ang karamihan ng isdang ito sa tubig tabang na tulad ng lawa, ilog, batis, at kanal na kalimitang nasa lalim na 1-2 metro. May kakayahan ding mabuhay nang wala sa tubig ang isang dalag sa loob ng 3-4 na araw basta basa ang lugar.

Malimit sa bukid at palayan nahuhuli ang mga dalag, lalo na tuwing umuulan. Kapag tag-init naman, pumapailalim ang dalag sa putik ng lawa at sa mga kanal upang mapanatiling basa ang balat at kasangkapan sa paghinga. Namumuhay mag-isa ang dalag, maliban sa panahon ng pangingitlog.

Maaaring kumain ang dalag ng mga hayop tulad ng uod, maliliit na hipon, palaka, at ibang isda.

Sa Filipinas, may panahong ginamit ang dalag upang sugpuin ang pagdami ng tilapya sa palaisdaan. Kilala kasing agresibo ang isdang ito, madaling dumami, at kayang ubusin ang mga isdang makasama sa isang pook. Ngunit dahil na rin dito, dapat ingatan at pag-aralan ang pagpapapasok ng dalag sa iba’t ibang lugar at klase ng tubigan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: