Isa sa mga pambansang dambana ng Filipinas, ang Dambanang Aguinaldo (A·gi·nál·do) na matatagpuan sa Kawit, Cavite at pook na pinangyarihan ng pagpapahayag ng kalayaan noong 12 Hunyo 1898 sa pangunguna ni Heneral Emilio Aguinaldo.

Dito nasaksihan ang unang opisyal na pagwagayway ng bandila ng Filipinas na tinahi sa Hong Kong ni Marcela Agoncillo sa tulong nina Lorenza Agoncillo at Delfina Herboza. Dito rin unang narinig ng publiko ang tugtuging naging Pambansang Awit na nilikha ni Julian Felipe. Ang nasabing komposisyon ay may orihinal na titulong Marcha Filipina Magdalo. Gayunman, matapos italaga ito bilang opisyal na martsa ng Filipinas, pinalitan ni Felipe ang titulo ng Marcha Nacional Filipina.

Ang deklarasyon ay halaw diumano sa Deklarasyon ng Kasarinlan ng Estados Unidos. Inihanda ito ni Ambrosio Rianzares Bautista at siya ring nagbasa nito sa harap ng madla. Upang makuha ang pagkilala ng Estados Unidos sa pagpapahayag ng kalayaan ng Filipinas, inimbitahan ni Aguinaldo si Commodore George Dewey ngunit tumanggi ang hulí. Gayunman, kabilang sa 98 tao na pumirma sa pahayag si Koronel L.M. Johnson, isang Amerikanong opisyal.

Sentro ng dambana ang tahanang ansestral ni Aguinaldo na ipinatayo noong 1845. Sa bahay na ito isinilang ang nasabing heneral. Sa balkonahe nito naganap ang pagwawagayway ng bandila at pagpoproklama ng kalayaan.

Sa kasalukuyan, bilang pag-alaala sa makasaysayang pangyayaring ito, may mga mataas na pinuno ng pamahalaan na nagtataas ang watawat ng Filipinas dito tuwing umaga ng Hunyo 12.

Isang monumento ni Aguinaldo ang itinayo sa harapan ng bahay bilang paggalang at parangal. Ang dambana ay isa na ring museo ngayon na bukas sa lahat na nagnanais na balikan at sariwain ang bahaging ito ng ating kasaysayan.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: