Isang mataas na yerba ang damong marya (Artemisia vulgaris), lumalaki ng 1-2 metro, at may makahoy na mga ugat. Ang dahon ay humahaba ng 5-20 sentimetro ang mga dahon, ungtian, kahawig ng pakpak ng mga ibon, at balahibuhin o mabuhok ang ilalim. Pulang purpura ang nakatayong tangkay; at maliliit na mabilog ang mga bulaklak, limang milimetro ang haba, at kulay dilaw o pula ang mga talulot. Namumulaklak ito mulang Hulyo hanggang Setyembre.

Isang popular na halamang-gamot ang damong-marya. Kasama ang Artemisia absinthium, isa pang damong-marya, ipinanggagamot sa buong mundo ang Artemisia vulgaris sa sakit ng tiyan at pagpapainam ng pagdumi. Pinabubuti din nito ang regla ng babae.

Inilalagay din ng mga sinaunang Romano ang usbong ng damong-marya sa kanilang sandalyas para maiwasan ang pananakit ng mga paa kung malayo ang kanilang mga lakbayin. Ginagamit din itong sangkap sa mga mapait ngunit pampaganang alak bago kumain, gaya ng vermouth. Kaya may alamat na Anglo-Saxon na nagsasabing isa ito sa “siyam na damong-gamot” na binigay ng kanilang diyos na Woden.

May babala lamang ang mga doktor na maaari rin itong makapagdulot ng alerdyi. Ipinagbabawal din ang paggamit sa panahon ng pagbubuntis ng isang babae, maging sa panahon ng pagpapasuso ng sanggol, at kung may labis na pagbilad o pagkadarang sa sinag ng araw.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: