Ang hasmín ay alinman sa mga gumagapang na palumpong ng genus Jasminum na may napakabangong munti at puting bulaklak. Karaniwang pinakawawalan nitó ang halimuyak pagpatak ng dilim, kayâ naman madalas itong pinipitas kapag gabi.

Ang pangalang siyentipiko nito ay Jasminum officinale. Matagal nang itinatanim ang hasmín kayâ’t hindi matiyak kung saan sa Gitnang Asia ito nagmula. May talâ noong ikatlong siglo sa mga tekstong Tsino hinggil sa hasmín bilang isang banyagang bulaklak. Nagmula ang tawag ng mga Filipino rito sa Espanyol na jazmin.

Ginagamit din ang nakakatas na langis mula sa hasmin para sa aromatherapy. Madalas na mamahalin ang langis nitó, bagaman kaunting patak lang ang kailangan para sa mabisang halimuyak nitó. Nakapagpapakalma umano ang halimuyak ng hasmin, at nakatutulong upang maibsan ang pagod at depresyon, gayundin ang ilang kondisyong may kinalaman sa paghinga. Sinasabi ring mabisang aphrodisiac ang hasmín at natutugunan ang ilang suliraning may kinalaman sa pakikipagtalik.

Ginagamit din ang hasmin sa dermatolohiya o anumang may kinalaman sa sakit sa balat, bilang antiseptiko o panlaban sa paglago o pagkalat ng mikrobyo na nagdudulot ng sakit, o bilang panlaban sa pamamagâ. Nagtataglay ng halos 25% na benzyl acetate ang hasmin na kilaláng nasisipsip ng balát at maaaring magdulot ng iritasyon sa mga sensitibo o may alerhiya rito. May talâb sa Timog Tsina na ginagamit din ng ilan ang hasmín bilang katutubong gamot panlaban sa hepatitis.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: