Sino si Pilar Hidalgo-Lim?

Mahusay na lider sibiko, edukador, at tagapagsulong ng karapatan ng kababaihan, si Pilar Hidalgo ay isinilang noong 24 mayo 1893 sa Boac, Marinduque at pang-anim sa siyam na anak nina Luis Hidalgo at Eulalia Lardizabal.

Sa Maynila siya nag-aral ng elementarya at segundarya. Nakilála agad ang kaniyang talino nang magtapos ng bachelor of arts, cum laude sa University of the Philippines, ang unang babae na gumradweyt nang may mataas na karangalan sa UP.

Pagkagradweyt, nagturo siya ng matematika sa UP. Noong 1911, lumipat siyang instruktor sa Centro Escolar University, naging sekretarya ng unibersidad, at noong 1962 ay naging pangulo ng CEU pagkamatay ni Carmen de Luna. Bago ito, noong 1917, ikinasal siya kay Vicente Lim, ang unang Filipino na nagtapos sa West Point at magiging heneral na namatay sa pagtatanggol ng Bataan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Marami siyang hinawakang puwesto sa mga samahang sibiko. Naging pangulo siya ng Girl Scout of the Philippines, pangulo ng Philippine Association of University Women, pangulo ng Philippine Foundation for the Rehabilitation of the Disabled, miyembro ng kalupunan ng mga gobernador ng PNRC. Hinirang siya ni Pangulong Osmeña na miyembro ng Relief and Rehabilitation Commission pagkatapos ng digmaan.

Si Pilar ay naging aktibong tagapamansag din ng mga karapatan ng kababaihan. Isa siya sa mga tagapagtatag ng Council of Filipino Women na nanguna sa pakikipaglaban para sa karapatan ng kababaihan.

Namatay siya sa kanser noong 8 Disyembre 1973.


Pinagmulan: NCCA Official | Flickr


Mungkahing Basahin: